₱70-Million LSU Infrastructure Project Pinapademolish Matapos Mabigong Makasunod sa Building Standards
EDUCATIONFEATURED


Nakatakdang ipademolish ang ₱70-milyong gusali ng Laguna State University matapos mabigong makapasa sa structural standards, na nagbunsod ng mga tanong ukol sa kalidad ng proyekto at paggamit ng pondo ng bayan.
LAGUNA — Isang gusali na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱70 milyon sa Laguna State University (LSU) ang nakatakdang ipademolish matapos mapag-alamang hindi ito pumasa sa itinakdang structural at construction standards.
Ayon sa mga ulat, ang naturang gusali ay itinayo noong panahon ng administrasyon ni dating Laguna Governor Ramil Hernandez, na kasalukuyang nagsisilbing Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Laguna.
Batay sa isinagawang technical inspection, natuklasan ang ilang kakulangan sa kalidad ng pagkakagawa na posibleng magdulot ng panganib sa kaligtasan ng mga gagamit ng pasilidad. Dahil dito, napagpasyahan ng pamunuan ng unibersidad at ng mga kaukulang ahensya na ipagiba ang gusali upang maiwasan ang mas malaking problema sa hinaharap.
Hindi pa malinaw kung sino ang mananagot sa gastos ng demolisyon at kung may haharap na pananagutan kaugnay ng proyekto. Patuloy pa ring hinihintay ang opisyal na pahayag mula sa mga sangkot na ahensya at opisyal hinggil sa isyu.
Samantala, nanawagan ang ilang sektor ng masusing imbestigasyon upang matiyak ang tamang paggamit ng pondo ng bayan at mapanagot ang sinumang responsable sa substandard na konstruksyon.
